tabulas.com

October 19th, 2010

Diona part 2

Posted by kikomontesena at 01:54 PM on October 19, 2010.

Hitik

 

Nang mamunga ang santol,

Agad nilang pinukol,

Kahit bubot nasapol.

 

 

Tatag

Ang taga sa panahon

Ikulong ma’t ikahon,

Tatag pa rin ang muhon

 

Pangaral

 

Salita’y mas madikit

Sa puso’y umuukit

Kung magulang nagbanggit.

 

 

Hapdi

 

Sa sarili ang latay

Ng mabigat na kamay

Kung sa anak dadantay.

 

Simpatiya

 

Sa mababa ang loob,

Ang grasyang niloloob,

Handang ipagkaloob.

 

 

Pagbabalik

 

Ang ibon sa paglipad

Bumabalik sa pugad

‘Pag pagod na’t nasagad.

 

Bigay-Pala

 

Kapag ika’y matiyaga

Ano kayang biyaya

Ang higit sa nilaga?

 

Alaga

 

Ang asong pulos tahol,

Kahit di nauulol,

Sa amo’y panay habol.

 

Yabang

 

Ang dumura sa langit

Ay sa mukha ang pagkit

Ng laway na malagkit.

 

 

Hambog

 

Kung matayog ang lipad

At taas lang ang hangad,

Sa lupa din ang sadsad.

 

Lambing

 

At sa pamamaluktot

Pag maikli ang kumot,

Yakap ang inuungot.

 

 

Bungang-tulog

 

Sadyang nakaiinip

Kung sa pananaginip,

Hindi ka nasisilip.

 

-------------------------

Sariwang Balita

 

Ngayon ay bukambibig,

Sadyang nakabibikig,

Ayaw ko nang makinig.

 

 

Gubat Ang Pag-ibig

 

Masukal man at liblib,

Dito sa aking dibdib,

Sana ika’y mabulid.

-------------------------------

Ulan

 

Sa sama ng panahon,

Maliit man ang tulong,

Mabuti nang may payong.

 

 

Tagsibol

 

Kapag maraming hantik,

Kahit puno ng lintik,

Bunga sa sanga’y hitik.

 

Biyahe

 

Sa haba ng prusisyon,

Una pa ang kariton,

Sa kanyang destinasyon.

 

 

Add a Comment

Login to your account to post comment

You are not logged into your Tabulas account. Please click here to login.