Orasyon
Posted by kikomontesena at 10:37 PM on October 6, 2010.
Orasyon
Sa tulos na kandila at tulo ng luhang naipon
sa ibabaw ng lumang tokador,
Sa harap ng naaalikabukang mga santo,
sa halimuyak ng mga natuyong talulot ng alay na bulaklak,
sa dampi ng hanging di makapangusap,
sa halimuyak ng bagong sunog na alay,
nandito siya, nangungusap
sa ngalan ng mga estatwang walang damdamin,
sa ngalan ng anagag ng sindi ng kandila,
sa ngalan ng kaunting init ng munting silab,
sa ngalan ng nauupos na katawan,
at natititik sa sulok ng kwarto ang larawan ng pighati,
Mayroon na itong taguri, mula sa labi ng mga nakatunghay-
Ang kisame, ang dingding, ang sahig,
Ang itim na kurtina, ang nakapatong na larawan,
At lumutang ang katawagan,
kasabay ng dupikal sa alas-sais.
Kasabay ng musikang siya lang ang nakakarinig,
Kasabay sa pagpikit,
sa pag-usal ng di mawaring panalangin,
Kasabay sa pagihip sa kandila,
Kasabay sa pagakyat ng mga butiki
Mula sa paghalik sa lupa,
Isang di matapus-tapos na ritwal ng paghihintay.
10/05/2010
Add a Comment
