tabulas.com

September 17th, 2010

Tagabulag

Posted by kikomontesena at 10:13 AM on September 17, 2010.

Tagabulag

Ni Francisco Arias Monteseña 9/17/10

 

 

Dumarating ang panahon

na nais nating magtago.

 

Dahil ayaw natin

na pukawin tayo ng ingay,

 

habulin ng bangungot  

o mapangalanan ng katawagang

 

hindi maaaring malunok.

Kung maaari lamang mabura

 

pati bakas at hindi na maulinigan

ang tawag ng tinig sa utak

 

(sa madulas at madalas niyang pangungusap).

 

Paano kung sa  pagbubukas

mula sa pagkakapikit

 

ay may tahimik na aninag?

Tatanggapin kaya natin ito

 

nang hindi napipilitan?

At dahil malapad at malawak

 

ang kamay natin sa pagyakap

ng pangako ng katiwasayan,

 

naniningala tayo at naghahanap

sa mga kubli ng tanaw

 

na hindi nakabubulag.

Hanggang may mahukay tayo

 

sa mga pagitan at patlang,

may masalok sa hangin,

 

may matanaw na bukas,

may mabuksang talukap,

 

may madinig na ingit,

may mabuksang pinid.

 

Dahil laging may naiiwang susi

sa anumang ikinakandado,

 

kahit sa pintuan ng ating mga sarili

o sa bintana ng ating mga kaluluwa.

 

Add a Comment

Login to your account to post comment

You are not logged into your Tabulas account. Please click here to login.