October 10th, 2009
Singhap
Ang tanong moý bakit pa ako mag-aalinlangang sagipin ka, gayung kaydali lamang magpalutang ng sarili sa gitna ng tubigang hindi makayanang kumati. Paano ka pa humihiling ng sagip ngayong nakapangunyapit ka na sa lakas ng ilang patuloy na humahatak sa iyo; habang ako ay patuloy na isinasagwan ang kamay sa hinahanap na ligtas? Di ko maisip kung paano mo pang naimumungkahi ang pagpapalutang. Hindi mo marahil nadaramang matagal nang lutang ang aking sarili kasama ang bali-baling haligi, at sira-sirang kisame ng ating tahanan. At lahat kami’y inaanod...inaanod...papalayo. Hindi ako natatakot, ni hindi nababalisang baka hindi na tayo magkita sa bawat paglubog ng aking ulo sa tubig. Sa ilalim, malinaw ang aninaw kong tama ang dating ng ragasa. May ilaw sa aking ulirat sa gitna ng palahaw ng ibang kasabay na inaagos. Heto na ang sagot sa matagal ko ng dalangin ng pagtutuos. Ewan ko kung bakit walang kirot sa ganitong pagpapakalunod. Ito yata ang pinakamadaling paraan ng pagtakas, ang magpatangay sa katiyakan ng iyong paglalaho sa akin. Saka ako nanghinayang, nang maputol bigla ang agam-agam sa paghatak sa aking katawan habang may pulso pang naiwan. Kung alam lamang nilang mas sisinghap-singhap ako sa lupang babalikan