April 13th, 2009
isang tula
*Yangkaw
Ni Kiko Monteseña, 4/13/09
Maaaring sinadyang hindi pansinin ang lahat. Nalimutang kabahagi ang dati, isang pagpapanggap. Sa yangyang ng pasabi ay may init na dumadaiti, isang pagbibilad ng mga dapat mangyari.
Madalas ganito tayo kapag nasusukol, pinipilit na lakdangan ang mga dapat harapin. Kung ganoon ay paano mabubuo ang kompesyonaryong magbubuo sa ating mga bulong at pagtatapat? Hindi natin mapupurga ang mga hindi at bawal. At sa ating pagitan doon matutuklasang may bagong altar ng papuri. Hindi para sa isa’t isa, hindi para sa mga nagdaraang saglit, wala sa mga binubuong anyo ng pagasa, wala sa mga nahahagilap ng mata.
May altar na di nakalilinis sa ating mga sarili, dahil natutuhan nating laging tumingala sa halip na yumukod. Kaya marahil hindi natin nakikilala ng lubos kung sino ang sa atin ay nagbebendisyon. Kung sino talaga ang pinatutungkulan ng ating pagsamo. May kurtinang nagsasara sa pagitan ng kumpisal at pataw na panalangin – sampung Ama Namin, tatlong
Wari’y hinahatulan ang bigat ng sala sa dami at pag-uulit. Tapat daw itong pagbubukas ng sarili sa tumpak. Sa katotohana’y hindi pa rin nito nahuhuli ang salimuot na ating nalilikha. Salat sa mayamang bukal ng pagpapatawad ang hindi paghingi ng lunas, nang hindi paninikluhod ng tapat
Mortal tayong lagi at laging lumilihis ang pananaw, nagbibitaw ng salitang hindi inaaral. Ngunit isa lamang itong dahilan, isang pagtatakip na bawat yangkaw nating kinaliligtaan ay pagsasausok sa maaaring mabuo sa ating pagitan – pagsisinungaling o katotohanan.
*laktaw, lakdaw