Entries for December, 2008

December 2nd, 2008

kung anu-ano

Nag-attend ako sa isang mini-EB na inorganize ng isang balikbayang moderator ng isang literary group. It turned out so damn good , na nagenjoy talaga ako. After ng lunch eh nagpunta kami sa Red Box sa Greenbelt at doon ako bumanat ng mga pamatay kong piyesa ni Josh Groban.

 

Nabinyagan na rin ang baby namin, at well attended siya, from the province and from both sides ng parents. Kakatuwa ang bata at ang taba-taba. Doon nagenjoy din ako sa ballroom dancing at karaoke.

 

Napanood ko ang Twilight at di naman ako nagandahan. Siguro dahil din a ako teenager. Pero totoo, ang bagal sa akin ng galaw ng istorya.

 

May napili na akong soundtrack para sa ipeperform ko sa CCP ani 34 launching sa Dec 17?

 

Namiss ko bigla si tata Raul Funilas, si Sir Vim, si Sir Bob, ewan ko ba, bihira ko na kasi silang makita.

 

 

 

Posted by kikomontesena at 03:16 PM | Add a Comment

December 11th, 2008

May tula

Ang Ulyanin

Ni Francisco Arias Monteseña, 11/26/08

 

 

Marahil nais mo lamang makatiyak

Na matututo kami sa iyong mga yapak.

 

Kaming usbong ng iyong punla

ay walang layaw sa ugat.

 

Kaya’t paano hindi magbubunga

ng sugat ang mga butil na nagsanga

 

sa dulo ng iyong sinturon,

lumabay sa bigat ng iyong palad.

 

Sabi mo Itay, ang tagal mong naghintay

sa pagdating ng ani, at ngayong nangungulubot

 

na ang iyong balat, naghahangad ka

ng maringal na handa mula sa mga tanim.

 

Marahil kasama ng iyong pagiging ulyanin

ang katotohanang matagal nang nabulok

 

ang mga naitanim bago pa man

maitanghal ang iyong mga tagubilin.

 

Hindi tuluyang naibaon

ang iyong mga yapak,

 

kaya’t bula itong nasundan

ng mga ugat na walang nakapitang lupa.

 

Ilang kabilugan pa muli

bago ang ani at patuloy kang aasa

 

na may magbabalik

sa kung anumang iyong naihasik.

 

Sayang, dahil tuluyang nalilimot

ang anumang nilulumot.

 

 

 

Posted by kikomontesena at 08:16 AM | Add a Comment

December 18th, 2008

Kagabi sa CCP

isang masayang programa kagabi ang naidaos ng CCP sa launching ng Ani34. Maayos ko ring naitawid ang aking performance. Di kami nakakain ni Makoy dahil kami na ang susunod na magpeperform ng iaannounce ang break. Natutuwa akong nakita muli ang mga kaibigang sina Xam, Rhodge, Kris Berse, Sonny Sendon, Noahlyn Maranan, Gina Verdolaga at mga bagong kakilala.

kung nais makita ang ibang pic, punta lamang po sa blogsite ng kaibigang si rhodge sa -

http://ghv2.tabulas.com/

Posted by kikomontesena at 09:57 AM | Add a Comment

December 22nd, 2008

Dahil pasko naman

Natividad
Ni Francisco Montesena



Umpisa ng paglalakbay,
Ginagalugad ang pook
kung saan ang katok
ay pagbubuksan.
Hinahanap, naghahanap
ng mapagpalang kandili,
ng kusang-loob na pagbibigay.

Hindi ito panghihingi,
Hindi pamamalimos.


Sa pamamaybay,
ilang pinto kaya
ang kusang magbubukas
kahit walang kumakatok?
O sadyang marami
ang nagpipinid ng sarili
sa dumarating na panauhin?

Hindi nakikilala
ang anyo ng bisita
sa tinis ng tinig at pagtawag.


Bigo man ang katugunan
Sa maraming pagkatok,
Sadyang mayroong mga humahawak
Sa butil na pag-asang
may nakalaang lunan
sa lahat ng paghahanap,
kahit pa sa munting sabsaban.

Posted by kikomontesena at 03:22 PM | Add a Comment