November 6th, 2008
Sa Loob ng Kumpisalan
Sa Loob ng Kumpisalan
Ni Francisco A. Monteseña 11/05/08
Kung may kailangang isumbong
sa nasumpungang kumpisalan,
hindi naman marahil ang di sadyang
pagkahanap ng buto sa ilalim ng luhuran.
Kaya doon pumasok ang askal na iyon,
nagsumiksik sa sulok upang pang-itin
ang buto’t magkalaman ang lumalaguklok
na sikmura. Hindi naman kasalanan
kung tumuloy sa pintong laging bukas
at ngumata ng kinasasabikan.
Bawal kayang tumahol sa loob
kung masarap ang nalalasahan?
Siguro ay pawang himutok
ang kinasanayan ng kumpisalan
sa pakikinig sa mga pumapasok
(lahat ay tila salaring humihiling ng patawad.)
Ngunit tiyak sa bawat bulong at basbas
may mahahanap pa rin tayong rosaryong pigtas
O kaya’y mantsa ng tumulong laway
sa marmol na sahig ng banal na kumpisalan,
katabi ang mga butong takaw-pansin
sa naghahanap at nagugutom na askal.