October 3rd, 2008
Tula muli
Iluhan
ni Francisco a. Monteseña, 10/3/08
1
Tila may sangasang
na nagbibigay
sa iyo ng bertud
upang di ka mapagod
sa maya’t mayang
pagurong-sulong.
Hindi mawari
kung sadya kang
gutom at hindi
nabubusog
sa panay-panay
na pagsubo.
Sa batong gulong
sa gitna, ilang daliri
na kaya ang binuntunan
Mo ng sisi
sa di nila inaakalang
hapo na darating
sa iyo. Marahil
ay hindi nila batid
na namimili ka rin
ng kakainin.
Kung pwede lamang
iluwa ang mga tinik
ng pandan
na naisasamang idukdok
sa iyong harapan
at pilit na isinusubo.
2
Nang dumating siya
Nagbago ang lahat.
Tila di ka na nakadama
ng pagod sa maya’t mayang
pagurong-sulong.
Nakapuyod ang kaniyang buhok
at tagaktak ang pawis
sa sal-itang paghawak sa iyo
at sa pagsubo sa pandan.
Sa ilang tulo mula sa kaniyang noo
napapawi ang iyong bagabag.
Hindi ka kaylanman napagod
gumaod-gaod, natatangi
ang kaniyang haplos.
Sinasabayan niya
ng pag-awit bawat pagkilos.
Kaya’t sinong bato
ang di mauupos?
Bigla, gagap na
ng iyong Puso
ang hulagpos ng linyang
pag-urong, pagsulong,
paghatak, pagsubo.
Tila yakap sa iyong katawan
bawat dampi
ng kaniyang palad
sa iyong hawakan.
At sa numininipis
na pandan, kumakapal
ang iyong dahilan
sa pananaginip.
3
Namamangha ka ngayon
sa kakaibang lakas
na kaloob sa bawat
kabig at hatak.
Naroon siya,
nakatitik
sa batong puso
na hindi magawang
magsa-pusong bato.


according to your birthdate

