Paglalakad ng Tulog
Posted by kikomontesena at 12:25 PM on August 5, 2008.
Somnambulism
Ilang beses na natatagpuan mo akong naglalaho sa higaan.
Hindi mo matanong ang unan sa lunang aking pinupuntahan,
O ang kamang ilang minuto lamang niyapos
ng init ng aking likuran. Sa iyong paghahanap
matatagpuan mo akong nakasalampak sa puno ng hagdanan
o kaya’y nag-iisa sa bakuran, bumubulong sa dilim
o minsa’y tahimik na nakatitig sa kungsaan.
Hindi mo ako magising dahil dilat akong naglalakad,
kaya akala mo’y batid ko ang lahat. Pasalamat na lamang
at disgrasya ang umiiwas kaya ni minsan ay di ako minalas.
Nagtataka ka sa madalas kong pagbangon at pagkawala
gayung hindi mo naman ako pinapagod
sa hindi na nadadalas nating pagtatalik.
Ni hindi ka na humihiling ng pangalawa o pangatlo
pang arangkada kahit naiiwan kitang nakalambitin sa pagkabitin.
Napapasyal na rin sa iyong isip ang alalahanin
na siguro’y may iba akong pinapasyalan.
Ngunit kailanman ay hindi mo ako nahuli.
Hindi ko maipaliwanag sa iyo na may ibang sensasyon
na umaayon sa paglalakad ng tulog. Hindi mapigil
ang lakas sumugba sa di natitiyak. May ibang daan
na tinatahak, hindi kayang lamunin ng bitak. May sukal,
ngunit hindi matinik, may kalayuan ngunit may pukas na daan.
Nagtataka ka kung bakit wari ay di ako mapigil,
na kahit yata iposas sa
Hindi mo lamang siguro maunawaang ang mahalaga
ay nagbabalik ako sa ating higaan bago pa man sumilay ang liwayway.
8/5/08
2 comments
l-mangyan-l

ferdz

hehe.