Entries for July, 2008

July 29th, 2008

tula

Sa Mata Ng Sanaw

 

 

 

Tila pelikula ang ipinasusulyap ng sanaw,

baha-bahagi ng binubuklat na kwento

ng sinumang sumisilip. Katulad kanina

na di sinasadyang mapasulyap ka

sa iyong nilalakaran, baka mabasa ng tubig

na naipon ang paang pagod sa kalalakad.

 

Sa mata ng sanaw may sindi ang pandama

ng banal at marungis. Sinasalag ng pangungurus

sa mukha ang anumang pamahiin...huwag sana,

huwag naman mangyaring may mangyari.

 

Ngayong basag-basag sa mukha ng sanaw ang bahaghari,

saang lupalop gagapang ang kulay ng pag-asa?

Pagkat alam nating kapag sumabog ang lahat ng kulay,

tila balang bibistay sa paligid ang pagkalat

at walang mabubuo. Walang magiging lantay na lunti,

mapagpalang pula, o mabining puti. Pagkat tayo

ang tumutuklas sa palumpong ang dulo ay bukal.

 

Paglaon, tititig sa batis, dadamhin sa dalisdis,

titikim ang labi, saka iinom ng malinis na tubig.

yaong hindi namamahay sa silid ng bawat sanaw

na ating nadadaanan.

 

 

Posted by kikomontesena at 10:17 AM | 8 comments