Ito po ang tulang nanalo ng karangalang banggit sa Gawad Surian Sa tula - 2008 Gantimpalang Collantes.
Kung Nandito Ka Lamang
A man walks by a house destroyed by floods and mud brought on by Typhoon Reming in Albay, Philippines. Many people lamented the loss of lives and extensive devastation wrought by the supertyphoon in parts of the Philippines stressing that this extreme weather disturbance is a portent of more violent weather events that countries around the world are likely to experience in the future as a consequence of climate change.
-bahagi ng artikulo, greenpeace.com
I.
Lumulubog sa malambot na putik
ang iyong bawat hakbang,
katulad ng pangako
na madalas mong bitawan
sa bawat mong paglisan.
Babalik ako, babalik ako.
Sa pag-aakala mo,
sa iyong pamamaalam
ay mas makagagaan
ang malalambing na pagkaway.
Ngunit anong bigat ang lumukob,
lumamon sa sumpang pagbabalik.
Ngayon nga ay tiyak na tiyak mo-
may naiipong amag
sa mga pangakong madalas iniiwan.
Ngayong kaylambot
ng iyong lupang tinatapakan,
bakit mo binabakas
sa mga nalusaw na bitak
ang iyong mga kaway?
Payapa ka noong umalis,
tumingala ka pa sa langit,
sumasayaw ang mga ibon sa bughaw,
kaya’t ni anag-ag ng pag-aalala
sa iyo ay walang pumukaw.
Patuloy kang humakbang,
ipinagpatuloy ang daloy.
Sadya man o hindi, madalas
ibinabahagi mo sa tadhana
ang lahat ng takda.
Nandoon ang rabaw,
kailangang abutin.
Nandoon ang lawas ng dagat,
kailangang languyin.
Katulad ka rin ng marami,
nag-aakalang wala sa sarili
ang lahat ng hinahanap.
Pumupulot ka sa iba ng saysay,
kahit iisa naman ang salaysay
ng hinahabing buhay.
II.
Sinasalat ng iyong balat
ang pighati ng hangin,
Hinahanap ng talampakan
ang tibok ng lupang inaapakan;
Baka-sakaling may taghoy na madinig,
may mahukay na pag-asa bukod sa alaala.
Kung nagpapigil ka lamang sa paghabol ni Bunso,
siguro ay masaya kayong naglalaro ngayon.
O kung sumuko ka sa pagtatampo ng asawa,
marahil ngayon ay kayakap mo siya.
Ngunit sa kulay-kalabaw na langit,
sinong pantas ang makahuhula
sa paglusong ng daluyong?
sa pangingibabaw ng kutob?
Marahil silang mga naiwan ay napabalikwas
nang yugyugin ng takot ang paligid.
Siguro’y nabuwal ang sinandalang pananalig
nang manligalig ang pagyanig.
Walang anyo ang pagkabalisang nanahan nang di lingid.
Siguro’y nagkagulo sila sa sabay na palahaw
ng mga sanggol at atungal ng mga burol.
Humunos marahil sa buong kabahayan ang pangamba.
Siguro ay nagpulasan sila palabas
upang lamunin ng higit na sindak.
Malapad man ang bubungan ng pag-iingat,
sigurado itong naiangat, naparam ang bigat
sa nanalasang bagabag, maghapon at magdamag;
At wala ka doon, wala ka sa piling nila.
Sa malayo’y naglamay ang iyong malay
sa tanawing maaaring datnan.
May alalahaning nakaburol sa iyong dibdib.
Katulad ng iniwan mong laruang trak para sa anak,
Ito kaya ay nawasak ng hagupit na pumatak?
Saang bisig kaya tumakbo ang iyong bunso
kung hindi niya nakita ang ina
sa gitna ng alimpuyo?
Natandaan kaya niya ang bilin mo,
na siya muna ang maging ikaw
habang ika’y nasa malayo?
Ngunit wala ka doon, wala ka sa piling niya.
III.
Mula sa kandili ng iyong pangako,
Patawad, patawad, patawad.
Usal mo’y hindi pagtakas ang paglayo
kundi pagtitiis sa pansamantalang paglimot.
Mahirap ang lumayo sa mga mahal,
ngunit sabi mo nga ay paano makahahagilap
ng higit na tatag na mapagkukublihan
ng lahat ng takot at pangamba
kung hindi pansamantalang maglalaho.
Naniwala kang may mapagsasamuan
ng katuparan ng mga hiling at pangarap
sa matikas na bisig ng dayuhang lupa.
Sabi mo’y mangungulila ka nga ng lubos at labis
subalit pansamantala lamang ang pagtitiis.
Saglit lamang ang oras na bibilangin
nang pagkawala nila sa iyong paningin.
Ngayon ay puno ng putik ang iyong mga paa.
Nais mong humakbang patungo sa mga itinatangi,
wala ka nang magagap, ni daing o halakhak.
Bumalik kang nangungulila at naghahanap
ng kinasasabikang yakap ngunit wala ang katiyakan.
Nagtaka ka kung bakit hindi ikaw lamang ang nagbabalik,
ang naghahanap, ang nagbabakasakali, ang umaasa.
Napakarami ninyong naniwala na mabubuo
ang pangarap sa pagyakap sa pangungulila. Sumigid man
sa ulirat ang lamig, lumigid man ang lungkot tuwing pipikit,
Katwiran mo’y may gintong natitipon sa bawat pagtitiis.
Ngunit ano ang halaga ng nakakahon mong pasalubong
Sa sumalubong sa iyong mga nakakahon?
Para saan ang pananabik at pagbabalik?
Marahil nais mo na ring mabaon sa lupa,
katulad nang pagkakalibing ng iyong pangarap.
Subalit mas marangal ang pagbangon,
ang paggising, ang pagbalikwas.
Sakbibi ka man ng hibik, ng hikbi,
ngayon ay batid mo na nandito
ang bubuo sa iyong mga naisin.
Hindi mo ngayon makakayang limutin
ang naririnig na mga daing. Ito’y mga sumbong,
mga paglalambing -
kung nandito ka lamang.