March 11th, 2008
2 tula
Sa Ating Di Makalimot Sa Sakit
ni Francisco A. Monteseña, 3/11/08
Tuwina, kapag may kaharap na sugat
itong aking pilat, tuloy ang pagnanaknak;
Damang-dama ang antak
May mga di naghihilom,
hindi nalulunasan ng panahon.
Yaong mga kipkip na panimdim.
Nakasalubsob sa pagitan ng mga hininga,
Nakalangkap sa tunog ng dibdib-bumabalik.
Siguro’y nakakikilala ang aking pilat
ng higit sa sakit na dala ng ibang sugat.
Naririnig marahil ang panaghoy ng kapwa
sa di na rin mabilang na latay.
O may nagbubuhol na iisang tugma,
matiim, makirot, bumubuo ng lungkot.
Bakit kahit tahimik na ang paligid
at pinakapal na ng langib ang bawat oras,
May pumipilas pa rin sa aking laman,
puro man ang tubig ay di mahugasan?
Nagdurugo,
kahit matagal nang ampat ang mga alaala.
Bulaan
ni Francisco Arias Monteseña, 3/7/08
Nakikita ko ang ilan
sa pinakamalalalim
kong paghahanap
sa pagi-pagitan
ng mga kulimlim
sa iyong mukha.
Binabasa kita
ng matatas sa loob at labas
ng iyong mga kilos.
Sa iyong pangangapa
ng mga dahilan,
nagkakaroon tayo
ng tagisang personal.
Niyuyugyog ko nang pilit
lahat ng alinlangan
at baka sakaling may mahulog
na paniniwala sa lahat
ng iyong mga tinuturan.
Ngunit sa iyong walang habas
na pag-iling, pagsisinungaling,
may napupugtong tiwala,
may dumudupok na pananalig.
Sa pagtiklop ng huling pahina
ng aking pagtitimpi
nais ko munang isulat –
hanggang sa huli,
ipinagtanggol ko ang sarili
sa araw-araw mong paglalaglag
ng mga pangakong walang tatag.
ni Francisco A. Monteseña, 3/11/08
Tuwina, kapag may kaharap na sugat
itong aking pilat, tuloy ang pagnanaknak;
Damang-dama ang antak
May mga di naghihilom,
hindi nalulunasan ng panahon.
Yaong mga kipkip na panimdim.
Nakasalubsob sa pagitan ng mga hininga,
Nakalangkap sa tunog ng dibdib-bumabalik.
Siguro’y nakakikilala ang aking pilat
ng higit sa sakit na dala ng ibang sugat.
Naririnig marahil ang panaghoy ng kapwa
sa di na rin mabilang na latay.
O may nagbubuhol na iisang tugma,
matiim, makirot, bumubuo ng lungkot.
Bakit kahit tahimik na ang paligid
at pinakapal na ng langib ang bawat oras,
May pumipilas pa rin sa aking laman,
puro man ang tubig ay di mahugasan?
Nagdurugo,
kahit matagal nang ampat ang mga alaala.
Bulaan
ni Francisco Arias Monteseña, 3/7/08
Nakikita ko ang ilan
sa pinakamalalalim
kong paghahanap
sa pagi-pagitan
ng mga kulimlim
sa iyong mukha.
Binabasa kita
ng matatas sa loob at labas
ng iyong mga kilos.
Sa iyong pangangapa
ng mga dahilan,
nagkakaroon tayo
ng tagisang personal.
Niyuyugyog ko nang pilit
lahat ng alinlangan
at baka sakaling may mahulog
na paniniwala sa lahat
ng iyong mga tinuturan.
Ngunit sa iyong walang habas
na pag-iling, pagsisinungaling,
may napupugtong tiwala,
may dumudupok na pananalig.
Sa pagtiklop ng huling pahina
ng aking pagtitimpi
nais ko munang isulat –
hanggang sa huli,
ipinagtanggol ko ang sarili
sa araw-araw mong paglalaglag
ng mga pangakong walang tatag.
Posted by kikomontesena at 03:09 PM | Add a Comment