January 7th, 2008
Tula
Ngiti
Ni Kiko Montesena, 1/06/08
Kung itinalagang isatalinhaga ang anyo ng ngiti
(na hindi basta pagbabago ng kibot ng mga labi),
sadyang mahirap sa isang taga-sining na ituring
na obra ang isang tila ayaw pakilala.
Mahirap hulihin sa pinsel ang nais maiguhit,
sa pluma ang nais na maisulat,
sa awit ang nais maisatinig,
sa tula ang nais maitugma.
Walang tamang lalagyang kakasya
sa balon ng sayang iniluluwal
ng simpleng pagngiti - patunay ito ng isang mangingibig.
Huwag na huwag maikukumpara
sa ismid na madalas maisilid
sa mga kuyom na palad ang bawat himutok;
o kaya ay sa lunggati na may sariling tahanan
ang bawat pagpapasaklolo. Ibang-iba ang ligaya.
Na walang pinamamahayang sarili kundi naibabahagi.
Naaamoy sa hitik na dilaw na kaparangan
na hindi pinagsasawaang paliguan ng araw.
May samyong magaan sa ilong ang halimuyak
ng pagbibigay, hindi nananatiling lila sa plorera.
Ngunit katulad ng pagsasawakas
ng lahat ng mga bagay na nawasak,
Iginuguho din ang bawat ngiti
ng di napipigilang luha. Lindol sa mukha
ang ragasa ng bawat hagulhol.
Kaya nga at bago pa makapaglunoy sa lungkot,
itabi na sa sulok ng mga labi ang nagbabantay na ngiti;
Kahit pa magmumula sa pinakapayak na biro ng katangi.
Madalas mang makumutan ng hapis,
may anyaya pa rin ng pagbabalik.

Posted by kikomontesena at 08:40 AM | Add a Comment