November 13th, 2007
tula
Ang Sundo
(Kay Mariannette)
Ni Francis A. Montesena, 11/13/07
Gaano ang layo mo sa bahay na ito
at malaya mong nahawakan
ang pasimano ng kaniyang kahinaan?
Dama na niya ang iyong hininga
habang ikaw ay nasa likuran;
Kagaya ng nadarama
ng isang kawal na sugatan.
Maaari, wala kang pinipili.
Walang edad na pumipigil
sa pagkitil ng damdaming nasisikil.
Hindi siguro malaking kaabalahan
na iyong pangunahan ang kaniyang isipan
at naisingit mo ang pagsundo sa kaniya
sa mahabang listahan ng iyong mga ginagawa:
paggambala sa himbing na pagtulog,
pagsasabog ng sakit na tila halamang
itinatanim sa kung saan,
paghatak sa disgrasya
na tila paglilibang lamang.
Kahanga-hanga kang nasusupil
maging ang bago pa lamang
nahihinog na hilahil,
o ang papausbong pa lamang
na pagkaumay sa buhay.
Kanina lamang ay tiyak kong ikaw ang bumaba
mula sa isang itim na sasakyan patungo sa kanila.
Sinundan kita sa pag-aakalang
ako ang pakay mo at ikaw
ang matagal ko nang hinihintay na bisita.
Nang lumampas ka sa aking bahay,
inisip kong naligaw ka lamang,
nagkamali ka lamang nang pupuntahan
kaya humiyaw ako sa iyo at nagtanong
kung tukoy mo ang iyong dadalawin.
Lumingon ka lamang at tumango na may ngiti
hanggang tuluyang maglaho sa daanang liko.
(Kay Mariannette)
Ni Francis A. Montesena, 11/13/07
Gaano ang layo mo sa bahay na ito
at malaya mong nahawakan
ang pasimano ng kaniyang kahinaan?
Dama na niya ang iyong hininga
habang ikaw ay nasa likuran;
Kagaya ng nadarama
ng isang kawal na sugatan.
Maaari, wala kang pinipili.
Walang edad na pumipigil
sa pagkitil ng damdaming nasisikil.
Hindi siguro malaking kaabalahan
na iyong pangunahan ang kaniyang isipan
at naisingit mo ang pagsundo sa kaniya
sa mahabang listahan ng iyong mga ginagawa:
paggambala sa himbing na pagtulog,
pagsasabog ng sakit na tila halamang
itinatanim sa kung saan,
paghatak sa disgrasya
na tila paglilibang lamang.
Kahanga-hanga kang nasusupil
maging ang bago pa lamang
nahihinog na hilahil,
o ang papausbong pa lamang
na pagkaumay sa buhay.
Kanina lamang ay tiyak kong ikaw ang bumaba
mula sa isang itim na sasakyan patungo sa kanila.
Sinundan kita sa pag-aakalang
ako ang pakay mo at ikaw
ang matagal ko nang hinihintay na bisita.
Nang lumampas ka sa aking bahay,
inisip kong naligaw ka lamang,
nagkamali ka lamang nang pupuntahan
kaya humiyaw ako sa iyo at nagtanong
kung tukoy mo ang iyong dadalawin.
Lumingon ka lamang at tumango na may ngiti
hanggang tuluyang maglaho sa daanang liko.
Posted by kikomontesena at 09:45 AM | Add a Comment