Isa sa mga pinakamasaya, pinakamakabuluhan, pinaka-friendlier na workshop ang 8th UST national Writers' workshop. Masigla lagi ang mga fellows, masigasig sa pagpapahayag ng opinyon, walang malaking distansya sa mga panelist dahil di sila mahirap abutin, nakadagdag pa ang kakisigan ng lugar, so close to nature. At ang pinakaimportante, nakahulagpos ako kahit ilang araw lamang sa araw-araw kong ginagawa sa opisina at sa bahay. May mga bagong kaibigan at may bagong pananaw sa buhay, sa sarili tungkol sa pagsulat.
8th UST National Writers Workshop
Petsa/ Lugar : May 7 – 9 UST Center for Creative Writing Studies, Seminar Room 1
May 10 – 12 Casa San Pablo, San Pablo City
Panelist: Dr. Ophelia Dimalanta, Dr. Isagani Cruz, Jun Balde, Lourd de Veyra, Eros Atalia, Michael Coroza, Manolito Sulit, Carlos Luz, Carlomar Adoana
Fellows: (14)
Myla Bantog, Jerome Co, Mo Francisco at Lily Ann Padaen (Fiction); Pau Apilado, Cathy Paras, Ana Valenzuela at Gina Verdolaga (Creative Non-fiction); Lynette Carpio, Amie Co, Kiko Monteseña, Ron Papag at John Poquiz (Poetry).
Ang sabi ni Dr. Ophelia Dimalanta, isa daw ako sa personal niyang pinili para sa kaganapang ito. Di ko alam noong una ang dahilan kung bakit wala ako sa orihinal na listahan. Ipinaliwanang naman niyang ang pumili noong unang batch na lumabas sa kanilang press release ay si Dr. Cirilo Bautista at ilang piling panelist. Napansin niya na halos puro babae ang nasa listahan kaya sa huling minuto ay idinagdag niya ang dalawang lalaki. Ang mga fellows ay pinili mula sa halos 50 entries na natanggap nila.
Nagkaroon ng orientation noong May 4 upang magkakila-kilala ang mga fellows. Nagulat pa ako noon dahil sa napakainteresanteng paghahalo ng mga personalidad na bumuo sa mga fellows. Mayroong abogado, intern sa PGH, estudyante, documentary film director, accountant, editor ng magazine/ on-line magazine at iba pa. Nakatutuwang malaman na higit sa propesyong ginagalawan ay marami ang may pag-ibig sa pagsusulat.
Ibinigay sa amin ang napakakapal na manual kungsaan naroon ang mga isinumiteng likha, maikling kwento, sanaysay, tula sa English at Filipino. Kailangan daw naming mabasa lahat iyon upang makapag-participate sa palihan.
Dahil sa nais ko ring matutuhan ang pagsusulat ng sanaysay at maikling kuwento maliban sa pagsulat ng tula, naging interesado ako sa mga palitan ng kuro-kuro sa fiction at non-fiction na siyang tinalakay sa unang tatlong araw sa Center for Creative Writing Studies Seminar Room 1. Natutuhan kong kailangang may kapit sa lengguwahe ang manunulat sa kaniyang kwento; kailangang mapanuri din sa nilalaman at porma. Kailangang may koneksyon ang panimulang bahagi sa konklusyon. Hindi dapat nagsisiksik ng mga karakter upang mapahaba ang kuwento. Kailangang malinaw ang tema (plot) at malinaw din ang mga maiigting na tagpo. Kailangang sa mga unang pahina pa lamang ay may atraksyon na sa mga mambabasa upang patuloy na tugaygayan ang kabuuan ng kuwento. May mga nagsulat na lumilihis sa mga panuntunang ito at sinabing dahil ito sa kanilang pananaw sa post-modernism. Subalit natalakay na katulad sa pagtula, kinakailangang malaman muna ang mga pangunahing panuntunan (basics) bago tumalon sa mga pormang pansarili. Nakapag-ambag naman ako ng mga panukala tungkol sa di pagpapabaya sa porma kahit pa nagkukuwento. Marami kasi sa mga entries ay napabayaan ang grammar, mga wastong paggamit ng “ng” at “nang”, mga sablay sa pagbabantas; kaya nga dahil dito natalakay ang pagpapahigpit sa paghawak sa lengguwahe kahit pa nasa anyong sanaysay o kuwento. May mga entries pa na di ugma ang pamagat sa istorya at nagkomento ako na pwedeng ang ititulo sa isang inilatag na kwento ay ilagay sa isa pa na nakapagpatawa sa mga fellows at panelist.
Ang sumunod na tatlong araw ay idinaos sa Casa San Pablo. Napakaganda ng lugar at ng mga tanawin na bagay na bagay sa pagtalakay sa paksang Poetry. Bumulaga sa amin ang mga pagkaing nakapaglalaway. Nagpahinga nang kaunti at itinuloy ang di natapos na pagtalakay sa Creative Writing-Fiction. May ikinomento ako tungkol sa halos pagkakalapit ng istorya sa isang pelikulang napanood ko at dito nagpatuloy ang diskusyon na dahil sa di maiiwasang magkaroon ng pagkakatulad sa mga nauna nang naisulat, kailangang ang isusulat ay may isang natatanging paksa na magiging kakaiba kaysa sa karaniwan. Nang sumapit ang gabi ay naglunoy ang mga babae sa swimming pool na naka bathing suit, piyesta ang mata ng mga kalalakihan na nagiinuman naman sa gilid at binubuo ang isang rengga na sinimulan ni Sir Mike Coroza.
Kinabukasan ay sinimulan ang palihan sa Filipino Poetry at sa tula kong Toryador, hindi ko alam kung matutuwa ako sa komentong may hagod Alan Popa ang tula ko ngunit mahinang klaseng tula kung ikukumpara. Ibinulong ni Sir Mike na maayos naman ang tula ko ngunit kulang sa lebel. Natutuhan kong dapat pag-aralan ko pang mabuti ang paraan kung paano magkaroon ng ibang dimensyon ang aking mga tula. Katulad nang mga komento sa Creative Writing for Fiction at Non-Fiction, kailangang mahigpit ang kapit ng makata sa lengguwahe at porma sa paraang ang pagkatha ay nakaukit sa tayutay at metapora.
Ang huling gabi namin sa Casa San Pablo ay sumaksi sa pagbibigay ng mga certificates sa mga fellows at sa pagkakaroon ng readings. Nakinig kami sa pagtipa ng piyano ni Mam Ophie at pag-awit ng isang fellow.
Sa kabuuan ang palihan ay di madugo dahil sa may isang di nakikitang ugnayan sa lahat, sa mga fellows at panelist. Nakadagdag pa sa gaan ang paligid, ang hangin, ang mga pagkain na di yata nauubos.
Umalis kami pabalik ng Maynila noong Sabado ng umaga. Nagsalo muna sa isang magarbong almusal (superb ang tsokolate at pinipig) at munting kuwentuhan bago lumisan.