Ang Pulitiko
Ni Francis Monteseña, 7/6/06
Noong mura pa ang aking edad,
madalas na tanong sa akin
ay kung ano ako “magiging” paglaki.
Mabilis kong pakli
“ako ay magiging pari!”
Matagal nang inihulma
ng pagiging relihiyoso ng pamilya
ang aking utak sa kung ano
ang nais kong mangyari.
Mahigpit kong itinakda ang sukat ng bukas:
di lamang magiging parisukat
ang relasyon ko sa Diyos.
Hindi magiging sarado sa apat na sulok
ang aking magiging pagsisilbi.
Hindi matatapos sa pagmimisa, pagbabasbas,
pagkakasal, pagbibinyag at pangangaral
ang aking misyong banal.
Iginupo ang aking mithi sa ibig ni Ama
na ako ay maging pulitiko. Iginuho niya lahat
sa pagsusugal sa akin sa landas
na inibig niya’t di naging kaniya.
Kahit pa anong tanggi at pakiusap,
sino akong sisira sa kaniyang pangarap.
Aniya, “ang pagpupulitiko ay walang ipinagkaiba
sa pamimintuho kaya’t walang kahirap-hirap ito.”
Nakalimutan niyang wala akong alam
sa panliligaw, matagal na akong
nagpakasal sa Diyos kahit inulila
ng kaniyang bendisyon.
Sa kalaunan, natutuhan ko na rin
ang mga ritwal sa pulitika.
Kung pagtataksil man sa Diyos
ang nagawa, di ko na inalintana.
Naging magandang kalaguyo
ang paglalaro ng tiwala ng iba
at masarap na karanasan
ang pakikipagtalik sa kapangyarihan.
Sa mga oras na ako ay naliligaw
sa ilang bahay-pari, naiisip kong
wala na rin namang dapat ipanghinayang
sa natamong kapalaran. Maging
sa loob ng simbahan, samut-saring kulay na rin
ng pulitika ang napakikinggan.