Entries for April, 2006

April 3rd, 2006

Noong April 2

totoo,

May mga inasahan akong taong makaalala sa akin noong birthday ko, pero nitext ay di nagawang bumati. Di naman ako nagdaramdam, baka nakalimutan lang o maysakit o may problema sila ng panahong iyon. Marami rin namang nakaalala sa akin sa email at text. Salamat sa inyong lahat na naniniwala, nag-aalala at itinuturing akong kaibigan.

Noong kaarawan ko ay nag-outing kami, ang orihinal na plano ay sa Laguna, ngunit dahil sa tanghali na umalis dahil sa paghihintayan ay sa Loreland Farm Resort na lang sa Antipolo ang tinungo namin. Mga 10 am kami umalis ng bahay ngunit marami na agad tao sa lugar. Sumama si Inay at Ate Amor kahit pa parehong may nararamdaman sa katawan. Ayaw daw nila kong magtampo. nag-enjoy ang mga batang kasam namin, pero ang mga bagets at matatanda ay di man lang nagsipagbasa ng katawan. Ang dami naming dalang pagkain. At ang isa ko pang Ate at pamilya nito ay humabol mga alas kuwatro ng hapon.

Nadapa si Inay sa may batuhan pag-akyat ng hagdanaan paghahanap ng CR, kaya ngayon ay namamaga ang kanyang paa. kawawa naman.

Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagpapahaba pa ng buhay ko at pagtuturo sa akin sa grupo ng mga taong ikauunlad pa ng buhay ko.

Posted by kikomontesena at 08:06 AM | 1 comments

April 7th, 2006

Mga Tula

Sa Istasyon
Ni Francis Monteseña, 4/06/06



Nakatayo ako sa istasyong ito.

Hindi ko batid kung ako ay sasakay
o bagong ibis; maghihintay sa pagdating

o susunod sa paglalakbay.
Marahil ganito ang pagkakataon:

Nililito ang lahat
upang hindi matagpuan ang pakay.

Maglalaan ng pahirap
bago matuklasan ng lahat

na ang paghihintay ay paglalakbay;
ang paglalakbay ay pagninilay

ng kabuluhan o kabulukan,
ng katiyakan o alinlangan.

Nakatayo pa rin ako sa istasyong ito.

Bukas, hindi pa rin ako nakasisiguro
kung may hihinto na sa akin

upang ako ay pasakayin, akayin
sa daan kung saan ang paghihintay

ay may katuturan at ang paglalakbay
ay may hihintuang hangganan.




Pusang-Gala
Ni Francis Monteseña 4/7/06



Bitbit ko ang biniling almusal
nang aking madaanan
ang isang pusang nasagasaan.
Litaw ang bituka, basag ang bungo.
nakakalat ang dugo.

Ni wala man lamang mag-alis
ng kaniyang katawan,
kaya ilang beses pang nagulungan
ng mga sumunod na sasakyan.
Sinisi pa ito ng ilang nagwawalis na maybahay.
Para sa isang magnanakaw, mabuti at namatay.
Ilang bagong lutong isda na rin kasi
ang kaniyang tinangay.

Nais ko sanang alisin sa daan
ang katawan ng pusa ngunit nag-alangan.
Baka sa akin mauwi ang galit
ng nagtutungayaw na kapitbahay.

Kaya katulad nila ay hinayaan ko
na siya ay nakahandusay;
umuwi ako ng bahay
na walang pakialam
kung ilan pang beses
na siya ay mamatay.

Sa harap ng almusal,
hindi ko malunok ang pandesal;

dahil sa nasaksihan,

dahil sa aking inasal.








Posted by kikomontesena at 04:30 PM | Add a Comment

April 8th, 2006

Isang Tanghaling Tapat

Isang Tanghaling Tapat
sanib-akda ni Kiko Montesena at Noahlyn Maranan



Tanghaling tapat nang mamugad
ang ating mga salita
sa saknong ng pagkakakilala,
pakikipagkaibigan.

Ang hangin ay malaya noon
sa paggalaw, pagsayaw.
Nakisama sa ritmo ng unawaang
ikaw at ako, nagkaisa.

Ibinuhol natin sa tugma
ang pakay at hakbang
patungo sa kung nasaan ang tula,
ang pag-ibig . . . ikaw.

Ang mga dahon ay patuloy
sa pagpaypay, pagsang-ayon.
Sa santing ng araw,
ikaw at ako ay umaayon.

Walang pinipiling panahon
ang pagkatha, pakikipagkaibigan;
Abutin man ng dilim,
ng paglubog ng araw, ikaw
at ako ay patuloy na sasayaw.

Iindayog sa gitna ng init ng tulang
siyang bigkis-pag-ibig
ng mga makatang
ikaw at ako.

Posted by kikomontesena at 01:45 PM | Add a Comment

April 19th, 2006

Laman ng isip

Di ko alam kung nagpepenetensiya pa ako sa mga agam-agam na iniwan sa akin nitong Kwaresma. Nakapag-isip ako na talagang sa pag-iisa ang hahantungan ko at walang makakasagip sa akin kahit pa mga kamag-anak ko. di kasi ako marunong magmahal o nahihirapan akong magpakita ng pagmamahal.

At kung ang pag-iisa ang pinakamainam na paraan upang patuloy akong tumakbo at makakilos sa buhay ito na nga lang ang gagawin ko.

Nabalitaan ko ang pagkakasakit ng tatay ko sa probinsya at ni hindi ako makauwi sa hiya o pride dahil sa nangyayari naming problema noong nakaraang Pasko. Pero naguiguilty ako. Nahihiya ako sa mga kapatid ko.

Nakagagaan na lamang sa akin ang pagtira ng dalawa kong favorite na pamangkin sa bahay. Iniwan muna sila ng kapatid kong bunso at sila ang nmagpapasaya sa akin. pakiramdam ko kasi sila lang ang nagaappreciate sa akin sa mga munti kong pasalubong na karaniwan ay yung mga mumurahing story books na nabibili sa palengke. Tuwang-tuwa sila dahil parehong mahilig magbasa ang mga ito, mana sa akin.

At kunswelo na rin marahil ang pagdating ni Rommel sa office , at least may kasama na akong poet.


Posted by kikomontesena at 08:47 AM | 1 comments

April 25th, 2006

mga tula

1. Bayuko
Ni Francis Monteseña 4/25/06

Marahan
ang galaw at kislot
ng bahay mong nilulumot
sa iyong paggapang sa magaspang
na daanan. Pauti-uti ang lakad na animo’y
Kamahalang hindi madampian ng sala ang katawan.

Kaya naman,
mabini pa sa dilang mabini
ang iyong mga hakbang. Wala naman
talagang ibibilis pa sa likha ng kapalaran.
Sadyang ganyan ka nabubuhay. Nakakulong

ang sarili
sa moog na tahanan;
O ito ay baluti mo lamang
upang hindi ganap na makilala
ng lahat na ikaw ay malambot at hindi
kakayanin ang lumaban nang parehas sa mga

nilikhang
itinadhanang maging
matigas o nagtitigas-tigasan.
May mga oras namang bukas ka
sa paglabas ng iyong antena upang
langhapin ang hangin at laruin ang liwanag.

Banayad
na banayad mong
ipagpipilitan na bahagi
ka ng daigdig kahit pa madalas
na ang kayakap mo ay dilim at katahimikan.



*** Bayuko (eng: snail) isang nilikhang mabagal sa pag-usad na ang katawan ay nakapaloob sa isang shell.



2. May Lihim Ang Mga Labi Ng Isang Puta



Matagal na akong nagtataka
Kung bakit sa dinami-dami
ng kandungang aking nabayaran,
Ni isa sa kanila ay hindi naghandog
ng kanilang mga labi.

Hindi ko maunawaan
kung mas mataas ang presyong
kailangang ibayad kapag kasama
sa usapan ang mga labi.

Ang sabi nga kasi,
galawin mo na ang lahat sa puta
ngunit anumang pagpipilit
ay di sila magpapahalik
sa kanilang mga labi.

Kaya hanggang ngayon
ay nananatiling lihim sa akin
kung ano ang mayroon
at ayaw nilang ipadampi
ang kanilang mga labi.

Marahil ito na lamang
Ang natitira sa kanila
Na may dangal na kahit
sinong hangal ay kasasabikan pa,
Kahit mga labi na lamang.

Posted by kikomontesena at 10:04 AM | 1 comments

April 27th, 2006

Pamangkin

Kahapon, umalis na patungong Florida upang magtrabaho ang isa sa pinakapaborito kong pamangkin, si Crisian. Napatira ako sa bahay nila sa Caloocan ng may sampung taon noong nag-aaral ako at nagtatrabaho sa una kong employer. Kaya halos ang baby & elementary days niya ay kasama ako. pakiramdam ko kahit di kami madalas mag-usap noong binata na siya ay may special bond na kami. Isa siya sa nakakaintindi sa mga sumpong ko. Nalungkot ako, pero natuwa na rin dahil simula na ng pag-aayos ng buhay niya. Unang trabaho niya at sa malayo agad. Mamimis kita Ian!

malungkot si Ate at ang pamilya niya. Paguwi nila galing sa Airport ng ihatid si ian ay deretso sila sa kwarto at nagkulong agad ang mag-asawa. Ngayon lang malalayo sa aming lahat si Ian nang ganito katagal.

Posted by kikomontesena at 07:45 AM | Add a Comment