Entries for January, 2006

January 4th, 2006

Jokes

------------------

Papaano mo sasabihin ng buong galang sa kausap mo na bad breath siya
na
hindi maoofend?
Ganito: "Mawalang galang na po... tae po ba ulam nyo kanina?"
------------------------
MADRE: Ano ang apelyido mo, iho?
SAKRISTAN: Alam nyo na ho yun sister, lagi nyo po yun hinahawakan.
MADRE: Susme! Bayag ang apelyido mo?!
SAKRISTAN: Sister naman, Rosario po.
----------------------------
PUPIL: Mam, bumubukol po ba ang utot?
TEACHER: No! Definitely not! Kasi hangin lang yun! Remember, hindi
bumubukol ang utot...
PUPIL: Naku patay! Tae na to!
-----------------------

Lumindol ng malakas noon ... Nagkagulo ang lahat at nag panic! Sumigaw
ang isang lalaki..."Katapusan na! Katapusan na!"


Sumagot ang isa pang lalaki..."Tanga! Akinse pa alang!"
------------------------
TINDERO: Sir bili na kayo ng kurtina!
ERAP: Sige, bibili ako para sa computer ko!
TINDERO: Bakit po para sa computer?
ERAP: Haler! May Windows din kaya yun!
----------------------------
PARI: Ang gustong magbigay ng donasyon sa simbahan, TUMAYO pagtugtog
ng
organ. Sige iho, tugtog na.
ORGANISTA: Ano po ang tutugtugin?
PARI: Pambansang awit, iho.
----------------------------
Mag-asawa having sex...
HUSBAND: Honey, mag dirty talk ka naman para ganahan ako!
WIFE: Ahhh...Shit! Basuraaa... Kanal... Taeee... Oooh... Patay na
dagaaaa!


--------------------------------
PARROT: Psst! Baho! Baho! Baho!
IKAW: Pag sinabi mo pa uli sa kin yan, papatayin kita!
> >D next day...
PARROT: Psst! Psst!
IKAW: O, Bakit?!
PARROT: Lam mo na yun!
--------------------------------
ATE: Musta date mo sis? Epektib ba payo ko, siling labuyo sa nipples
mo
para di ka galawin ng bf mo?
SIS: Hay naku Ate, palpak! Ginanahan pa lalo, bicolano pala!
-----------------------
Aaylenay, Olinay, Olisam, Olismray, Ranyonmergin, Manerenchay,
Oliimansotennernmay, Sliminemenlimis, Sliminemenlimis, ("Silent Night"
ng ngongo, try mo.)
---------------------
Posted by kikomontesena at 07:27 AM | Add a Comment

January 11th, 2006

Mga Tula

Imbulog
Ni Francisco A. Monteseña

“Sa isang paglalakbay sa eroplano, habang nakasilip ako sa bintana, namangha ako sa mga ulap. Bumalik ang musmos na katauhan na parang ngayon lang ako nakakita ng ulap. Nakasabit sila sa langit, buo, busilak, puti, magaan. Ipinaalala sa akin ng mga ulap na mukha man silang mahirap daanan, kapag nalagpasan na’y masasabing, hindi naman pala ganoon kahirap dumaan. Hindi talagang nakakatakot tulad ng aking inaasahan.”

Melanie Schurr, sa kaniyang biyahe sa eroplano
Food For Thought: CLOUDS


Eroplanong lumilipad itong buhay.
Tumataas sa pag-abot ng pangarap
Matuklasan ang di abot nitong malay;

Maramdaman ang pagyakap nitong ulap.
Ang damdami’y lumalaya, lumilipad,
Tumataas sa pag-abot ng pangarap.

Katayugang lalandasin ay pag-usad,
Panimula ng pag-abot sa layunin.
Ang damdami’y lumalaya, lumilipad.

Hindi naman mapipigil nitong hangin
Ang naising malapitan itong langit.
Panimula ng pag-abot sa layunin.

Katiyakang sa taas man may pasakit,
Sa lakbayi’y pipiliting maihatid
Ang naising malapitan itong langit.

Ay! kaysarap sa itaas na mabulid.
Eroplanong lumilipad itong buhay.
Sa lakbayi’y pipiliting maihatid,
Matuklasan ang di abot nitong malay.





Ang Mahika ng Pusa
Francisco Montesena, 1/10/06

Humahanga ako sa mga pusa.

Nagagawa nilang nakawan
ang bawat bahay na madaanan sa bubungan.
Ni hindi maalimpungatan
ang tulog na maybahay
sa maingat nilang yabag- ni kaluskos ay wala.
Kaya naman lahat ay nagagawa.
Maging sa pagsinop ng ulam pang
kakainin kinabukasan ay mamangha ka
sa mahika nilang ginagawa.
Mula sa maingat na pagtungo
sa buslong taguan hanggang
sa tinik na lamang ang itira sa paglisan.

Nawala lamang ang aking paghanga,

Nang sa minsan nilang pagtalilis
sa pakikipaghabulan sa daga
ay madako sa lansangan
at maipit ng sasakyang rumaragasa.

Hindi pala totoong ang buhay nila’y siyam.




Dasal ng Pasal
Ni Francisco Montesena, 1/10/06


Ang dasal ng pasal
sa ‘yo santong banal:

Nawa’y mahinto
ang pagtistis
sa pusong nagtitiis.

Kung lunas
ay di pukas,

kung walang
ginhawang
mababakas,

kung magdeliryo
sa paghanap
ng katas,

Sana naman poon,
mamatay
kahit sa
kakaunting
sarap.




May Mga Pagkakataon
Ni Francisco Montesena 1/10/06


Na sa gitna ng hagdana’y
Di alam kung aakyat o bababa.

Sa natatanaw na silid sa itaas,
babalik kayang muli
sa pakikipag-ulayaw
sa nakalundo nang kama
at gusgusing unan,
yayapos sa may amoy nang kumot,
Magpapagapos sa halumigmig ng magdamag?


O sa baba ay makikisalamuha
sa mga piping kasangkapan,
dudulog sa mesang ulila,
makikipagkwentuhan sa telebisyon,
makikiawit sa radyo,
makikipambuno sa mga oras
upang mabilis na lumipas
at hindi mamalayang
sasapit na naman ang bukas?

Manatili na lamang kaya sa gitna
at hayaang hangin ang magdikta.

Mahulog pababa,
at wakasan ang nakakasawa
ng ikot ng kapalaran
o itulak paakyat
at muling lasapin
ang pakikipagtalik sa kawalan.






Currently feeling: thoughtful
Posted by kikomontesena at 09:13 AM | Add a Comment

January 13th, 2006

Ang Pakikiramay Ng Mga Kuwitib

Mamahinga ka na Inda!

Malaon nang nakahimlay
ang katawan mong pagal.
Hindi pa man nasisimulan
ang paghahanda
sa iyong lamay,
nagsasaya na sila
sa napipinto mong. . . . .

pagkamatay.

Nakapila na ang mga kuwitib
bago pa unahan
ng mga uod sa libingan
ang may hininga mo pang katawan.
Sumusuot sila sa iyong
ilong,
tainga,
bibig.
Naghahanap
ng mapapakinabangan.

Makapagpapahinga ka ba Inda?

Kung ang mga iiwan mo
ay nakayungyong
sa iyong lukbutan.
Pilit sinisilip kung sa ilalim
ng iyong higaan ay nandoon
ang iiwang kayamanan.

Magsaya ka na Inda at mamaalam.

May ngiti kang lilisan
na ang mga imbi
ay walang aasahan.
Ginutgot na
ng mga kuwitib
ang iyong
pamanang
kasulatan.



***Kuwitib ay ibang katawagan sa mga langgam.
*** Inda, abwela o lola



Posted by kikomontesena at 04:28 PM | Add a Comment

January 16th, 2006

Pirata

Pakiramdam ko ay isa akong piratang lumalangoy sa santambak na pirated vcd's at Dvd's na nabili ko.

Masisisi ba ako na tangkilikin ito , mura at natural sa tao na kumuha ng mura. Ang lilinaw pa ng mga nabili ko kaya sulit na sulit. Imagine DVD's at P50 each. Napanood ko na ang mga pelikulang isoshowing pa lang. At saka yung mga favorite kong Korean thriller napanood ko rin sa wakas.

Maganda ang story line ng Jan- Dara, ala Tomb Raider ang
" Aeonflux". Di ko nagustuhan ang " Stay" ni Ewan Mcgregor at Naomi Watts, angas lang ang ending. Yung trilogy na Korean thriller entitled " Three Extremes" , astig na astig ang ganda lalo na yung dumpling episode. Maganda rin ang story line ng " Derailed" ni Clive Owen at Jennifer Aniston, kaya lang parang may napanood na akong ganitong movie na pareho ang plot. " Sex is Zero" champion parang american pie.

Marami pa akong nakaline-up para panoorin bwehehehehehee.
Posted by kikomontesena at 09:52 AM | Add a Comment

January 17th, 2006

Ang Pagbisita Ng Pala-Pala

Ang Pagbisita Ng Pala-Pala
Ni Francisco Montesena 1/17/06


Binisita ako ng isang Pala-pala.

Habang ako sa asoteya ay nakapanungaw
at bilugang buwan ang kaulayaw,

may lumipad na isang Pala-pala,
Tuloy-tuloy sa aking sala.

Lumigid sa aking kabahayan,
humimpil sa kisame at doon nanahan.

Sa pagkakatitig sa malapad niyang mga pakpak,
sa bahagyang pagbuka, tila umiindak.

May lamig na sumigid sa aking kalamnan
nang maisip ang sinabi noon ni Nanang.

Ang pala-pala ay pahiwatig na isang kamatayan
ang maaring dumatal sa malapit na kamag-anakan.

Binugaw ko ito, binulabog at pilit pinalayo.
Nalaglagan ng bulo ang mata ko at lumabo.

Sa paghampas ay nawalan ako ng panimbang,
sa mahabang hagdanan nahulog at tumimbuwang.

Nang magmulat ng mata’y nagulat sa paligid
Nandoroon si Lolo at lola sa aking gilid

Nagtaka dahil sila ay matagal nang pumanaw
Saka pa lamang nahinuhang ako’y wala ng araw.

Ang Pala-pala pala ay ang aking sundo.
ang kamatayan ko ang kanyang pintuho.




***Pala-pala – isang katawagan sa paru-parong maitim, kaki o abuhin ang kulay ng katawan at mga pakpak.
Posted by kikomontesena at 04:36 PM | Add a Comment

January 20th, 2006

Para Sa ‘Yong Ngayon Lamang Magmamahal

Para Sa ‘Yong Ngayon Lamang Magmamahal
Ni Francisco Montesena 1/19/06


Ikaw sana
ay maghandang masugatan.

Ang pagsuyo’y
hindi lamang kulay rosas.

Tanggapin mo
maging kulay nito’y bughaw.

Ang dahila’y
doon lamang masusukat

kung pagsinta’y
magtatagal, mabubuhay.

Para sa ‘yong
ngayon lamang magmamahal,

Matanggap mong
walang lantay na pag-ibig

ang naglaro
sa paglingap ng ligaya,

ang totoo
may kahalong hapdi’t lisya.

Ngunit ganyan
ang paraan ng pagliyag,

Dinadarang
parang bakal sa pagsubok,

Binabasa
nitong luhang umaagos,

Luwalhati
ang kapiling pagkatapos.





Posted by kikomontesena at 07:41 AM | Add a Comment

January 24th, 2006

he Right One

Siguro ito ang magandang isagot kapag may nagtanong kung bakit single pa ako... Forwarded message na natanggap ko from fellow Pinoypoet, Mitz, ty friend.



The Right One

A friend asked a gentleman how it is that he never married ?

Replied the gentleman, "Well, I guess I just never met the right woman ... I guess I've been looking for the perfect girl."

"Oh, come on now," said the friend, "Surely you have met at least one girl that you wanted to marry."

"Yes, there was one girl .. once. I guess she was the one perfect girl .. the only perfect girl I really ever met. She was just the right everything .. I really mean that she was the perfect girl for me."

"Well, why didn't you marry her," asked the friend.

"She was looking for the perfect man," he said. Ooooooooh...

Posted by kikomontesena at 11:26 AM | Add a Comment

Perya

Perya
Ni Francisco Montesena, 1/24/06

Kabilang ang perya sa aking kabataan.

ang mga nagkikindatang ilaw.
ang anyaya ng mga sirena,
kaway ng taong gagamba,
mahika ng mga salamangkero,
pag-iingay ng mga daga sa bingo,
ang bahagharing buhok ng mga baklang
tagatawag ng mga tataya sa beto-beto,
ang mga kumakain ng apoy,
nahahating katawan,
mga lumulunok ng espada,
babaeng may balbas
kumakain ng buhay na manok

at kahit walang pera,
basta sa perya
makakapagmadyik ng panggasta;
babasagin ang kay inang alkansiya,
at sa lugar na yaon magpapakasaya.


Walang ipinagkaiba sa aking pagtanda

ang mga nagkikindatang ilaw ng cabaret,
ang anyaya ng mga sirenang nagkukunwaring babae,
kaway ng mga pulis gagamba,
mahika ng mga salamangkerong pulitiko,
pag-iingay ng mga dagang palaboy sa kalye,
ang bahagharing buhok ng mga sosi,
ang mahabang pila sa jueteng at lotto,
ang mga nagpapadila sa apoy upang mabuhay,
nahahating katawan ng mga obrerong
kailangang may sari-saring trabaho,
ang mga humahawak sa talim ng espada
kaysa sa walang makapitan,
ang babaeng walang balbas ngunit may nunal,
ang kumakain sa bayang parang buhay na manok.


Walang pagkakaiba ang perya noon at ngayon.
Posted by kikomontesena at 01:54 PM | Add a Comment

January 25th, 2006

Noong Linggo

Masaya ako noong Linggo hindi lamang dahil nanalo si Pacquiao kundi sama-sama kaming nanood sa bagong biling TV ng ate ko na napakalaki. Para na rin kaming nanood ng laban sa SM cinema kasabay ang kantyawan naming magkakapatid. Nakipagpustahan ako sa ate ko ng isang massage session, kay Morales ako, kahit gusto kong manalo si Pacquiao. Para lamang magkaroon ng pustahan. At syempre natalo ako pero oks lang. Nakakatuwa na parang nabawi ng saya noong linggo ang hinagpis ko noong Christmas season dahil sa nangyari sa amin ng Tatay kong away. na hanggang ngayon nga ay dala-dala ko pa sa loob ko. Incoming bday ng isa kong pamangkin at anniversary ng ate at bayaw ko kaya maraming pagkain. At puro ulam-probinsya ang niluto nila. Busog at bundat ako.

Tinuruan din kami ng Kuya ko kung paano maglaro ng mahjong at very easy lamang pala. At pinahiram ako ng nephew ko ng mga horror collection niya ng Asian movies.

Sana laging ganito ang araw ko.
Posted by kikomontesena at 08:30 AM | Add a Comment

February 1st, 2006

Ang Lahat Ng Nalalaman Ko Sa Pagmamahal

Ang Lahat Ng Nalalaman Ko Sa Pagmamahal
Natutuhan Ko Sa Mga Alagang Baboy



Natutuhan ko ang magmahal
ng walang kundisyon sa aming mga baboy.

Kung saan ang kural ay paraisong pinagdarausan
hindi lamang ng pagbubulog at kastaan kundi maging

ng pagbibigay aruga ng inahin
sa kanyang mga kulig. Kung paano niyang

tinitiis ang sabay-sabay na pagsupsop
sa kanyang mga suso kahit pa minsan

ay mahapdi na ang mga ito; Kung paanong
uunahin muna niya ang mga supling

na dumunghal sa labangan ng kaning-baboy
bago niya idungol ang sariling nguso;

At kung paanong hindi tumanggi
sa karinyo ng bulugang baboy. Kaya naman

hindi ko magawang magtampo
kapag madalas kong marinig sa iyong mga labi

na ako ay baboy. Hindi mo lamang batid
na mas marami pa silang naiturong wasto

sa aking pamumuhay kaysa sa iyong
walang inihain sa akin kundi mga ingay.

Sayang at hindi ko nakita noong una kang sinusuyo
na lumaki ka palang sa kaning-baboy din naglulunoy.

Ngunit ikaw ay minamahal kaya naman kahit pa
hindi na nahuhuli ang hitsura mo sa aking mga alaga

ay akin nang itinadhana ang kapalarang
mag-alaga at magmahal ng mga baboy.


Posted by kikomontesena at 07:46 AM | Add a Comment