September 1st, 2005
Katulad ng mga Ulap
ni Francisco Kiko Montesena
Lilikhain ko ang pinakamaliligayang tula ngayong araw.
Lilikha, halimbawa: Ang araw ay maaliwalas at payapa,
Inosente ang mga ulap sa papalit-palit na anyo, palipat-lipat.
Umiikot, naglalayag sa balag ng kalawakan
At pati hangin ay sumisipol sa himig ng kagalakan.
Lilikhain ko ang pinakamaliligayang tula ngayong araw.
Ako ay nagmamahal at dama kong minsan sa akin ay may nagmamahal.
Sa mga araw na tulad nito, inaangkin ko ang buhay.
Na ibinuhol ko na ng matagal sa kanyang buhay,
Siyang paraluman na di ko magawang saktan at alayan ng luha.
Lilikhain ko ang pinakamaliligayang tula ngayong araw.
Umaapaw ang biyaya mula nang dinggin ni Bathalang
Ipakita sa akin ang mukha ng kapilas, at doon nagsimula
Na mapansin ang ibat ibang anyo ng ulap, ngumingiti na sila sa akin.
Akala ko noon ay ulan lamang ang kanilang dala.
Hihinto lamang sa paglikha,
Kapag hindi na makitang gumagalaw sa itaas ang mga ulap na saksi,
Kapag hindi na sumipol ang hangin at mapagod na sa paghuni.
Kapag nangyari, lahat ng pinakamaliligayang tula ay lalambungan
Na lamang ng mga ulap ng kapighatian . . . sana ay huwag mangyari.